Transcript


Transcript of interview with Sen. Manny Villar

1 March 2011

Q: Pagtulong ng Sagip OFW

Villar: Ako naman ay tuloy-tuloy ang pagtulong sa mga OFW. Hindi naman tumigil iyan. Matagal ko nang ginagawa iyan at hindi titigil iyan hanggang may problema sa mga OFW.  Kaya lamang ngayon ay lumalaki ang problema ng mga OFW hindi lamang sa Libya, gaya nitong sa Saudi Arabia. Meron pa tayong mga doon sa Khandara Bridge. Doon sila muna sumisilong, may mga bata, may mga babae, kaya hindi ko malaman kung bakit napakabagal ng pagpapauwi sa kanila dito sa Pilipinas. Nakikita ko na ang pondo para sa ganitong klaseng operasyon ay masyadong kulang. Ang toto niyan, dito sa budget natin para sa taong ito, kinaltasan pa at hinati iyan. Ang hininging budget ng ating pamahalaan na dating P156 million ay ginawa lang P78 million kaya ngayon napakarami tayong OFWs na gustong umuwi pero hindi makauwi. Bagaman kami sa pribadong sector ay nagtutulong-tulong, hindi talaga makakaya. Talagang kailangan tumulong ang gobyerno. Kaya ako ay nalulungkot sa nangyari sa budget ng DFA, sa budget ng Labor na sa halip na palakihin ng ilang doble ay hinati pa. Kaya ngayon sa Libya ang ibang bansa ay napakabilis ng paglilikas ng kanilang mga kababayan doon. Tayo ay medyo may kabagalan sapagkat walang pera. Sabi ko nga, hindi naman kailangan ng ating mga kababayan doon ang ating pagdalaw. Ang kailangan nila ay bus at masasakyan pauwi. Ang kailangan nila dito ay additional funds. Pondo para makakuha ng mas maraming bus, mas maraming sasakyan, tiket sa eroplano, barko para sila ay makalabas nang higit na mabilis. Kailangan din handa tayo. Ang nangyari kasi, ako ay may proposal noon n asana ang government ay parang may isang SWAT team, parang quick reaction team na kung saan pwedeng pumunta ito, may pondong nakahanda at sanay sila na kapag may nangyari alam nila ang procedure na gagawin. Subalit maliwanag na hindi tayo handa kaya ngayon ay nangangapa tayo at namumrublema ng malaki ang ating mga kababayan doon.


Q: OWWA fund

 Villar: Hindi lamang OWWA ang dapat tingnan dito. Yung budget ang dapat tingnan dito, hindi lamang ang OWWA. Itong sinasabi ko na P156 million na hinati pa ay iyong assistance to nationals sa ilalim ng DFA. Hindi ko nga mapaniwalaan na hinati pa ito. Sayang, nakakalungkot. Sana ay mahigit P1 bilyon sana ito para mabilis. Dapat kasi iyong lahat ng mga nandoon ay mapauwi muna ng biglaan. Gaya nitong sa Saudi Arabia, doon lamang 7,000 na. Sa Libya naman ang nangyayari ay napakabagal. Sa bagay nauunawaan ko iyan, sa gobyerno kapag wala kang pera mabagal talaga ang galaw… Sana ay mabigyan natin ng higit na malaking atensyon ang mga OFW, hindi lamang atensyon kundi pagbibigay na rin ng higit na malaking budget para sa kanila. Lalo na ang preparasyon sa mga ganitong bagay, kailangan talaga merong isang team, parang SWAT team na ready talaga ano mang oras.


Q: Bukod sa pondo ano pa ang nakikita ninyong problema?

Villar: Karamihan ng problema naman naso-solve ng pondo. Iyong mabilis na paglikas, iyong transportation problems, iyong mga nagkakasakit doon, iyong mga walang abogado. Noon ay nagpropose ako na kung mga limang doble lamang ay dapat itaas natin ang budget para sa kanila dahil napakalaki naman ng kontribusyon nila sa ating ekonomiya. Palagay ko utang naman natin sa kanila na higit na lakihan ang pondo para kapag may ganitong problema, hindi tayo naiiwan. Dapat tayo ang nangunguna dito dahil ang ating bansa ay masyadong umaasa sa mga OFW at dapat tayo ay nauuna. Hindi tayo dapat nahuhuli. Dito tayo dapat may pinakamagaling na sistema kapag nagkaroon ng ganitong kalagayan dahil tayo ang pinakaapektado sa mga ganitong mga bagay.


Q: Given na may budget cut, ano pa ang pwede nating gawin?

Villar: Ang budget kasi natin ay manggagaling sa executive kaya wala tayong magawa ngayon dito. Kaya ngayon nananawagan na lang tayo sa pribadong sector at magtulong-tulong tayong lahat dito para matulungan natin. Kaya kapag may naririnig ako na may nagpapauwi, good, mas maraming kababayan tayo na nagpapauwi, mas maganda. Meron pa rin naman tayong nakukuhang pondo sa ibat ibang lugar ng ating pamahalaan. Bagaman nangalahati ang assistance to nationals ng DFA, na hindi dapat nangyari, meron pang pagkukunan iyan kung talagang desidido tayo na matulungan sila.


Q: Bilang isang may programa tulad ng Sagip OFW, ano ang maipapayo ninyo na ginawa sana ng otoridad?

Villar: Noon sinabi ko na masyadong napakaliit ng budget nila, dapat iyan ay lakihan. Ako nga, kung kailangang magtayo ng isang departamento para sa mga OFW, dapat gawin. Kaya lang baka maubos sa gastos ng departamento, ang kailangan ay pantulong sa kanila. At least meron dapat na isang bigla na tulong para sa mga hindi makauwi na OFW hindi lamang sa Libya, pati sa ibang bansa tulad ng Saudi Arabia o iba pang mga bansa na maraming naghihintay. Nais ko ring idagdag na alamin na natin iyong mga bansa pa na maaaring maapektuhan ng nangyayaring gulo sa Middle east. Sino ba ang susunod? At doon sa mga bansa na iyon dapat nakahanda na rin hindi lamang ang embassy, kungdi lahat pati ang nasa national government. Ano ang gagawin, may pondo ba tayo, may tao ba tayong ipapadala? Sino ang pupunta doon? Saan sila tatakbo. Para ready na ang procedure. Kapag nagkagulo, saan sila pupunta? Ano ang aarkilahing eroplano, ano ang aarkilahin nating barko, ano ang ating gagawin. Ang mga bagay na ito dapat ay inaalam na natin para doon sa mga bansa na maaring sumunod sa Libya.


Q: Nagtaas po ang presyo ng langis…

Villar: Bagamat sabi natin nagtaas ang presyo ng langis kaya dapat silang tumaas, dapat balikan natin, sundan natin ang pattern. Ang pagtaas ba ng gasolina ay tama sa pagtaas ng langis. Baka kasi masyadong itinaas nila noong nakaraang panahon kaya hindi na sila dapat magtaas ngayon. Dapat matingnan natin iyan at tingnan natin ang pattern. Isa pa kailangang tingnan nating ang epekto ng malakihang pagtataas ng presyo ng gasolina sa iba pa nating mga kababayan, sa iba pa nating mga industriya para hindi sila nagugulat, alam nila kung ano ang kanilang aasahan sa mga darating na panahon na may problema.(end)