Transcript


Transcript of interview with Sen. Manny Villar

08 March 2012

Q. On Cheaper Medicines Law

 

Villar: Mukhang hindi successful itong batas na ito dahil ang objective nito ay maibaba ang presyo ng medisina para sa ating mahihirap na kababayan. Kung hindi nito maibababa ang gamot, useless itong ginawa natin. Meron namang mga bumaba na gamot, to be fair, medyo kulang nga lang. Pero kulang ang nagmo-monitor, halos wala akong nakitang nagmo-monitor base sa hearing kanina. Mukhang hindi nila minomonitor itong implementasyon ng batas na ito.

 

Q: Ano ang mga pagbabago na gusto ninyong gawin sa batas base sa mga narinig ninyo?


Villar: Base sa mga narinig ko, although masyadong maaga pa, kulang ang covered na gamot. Sa tingin ko dapat palawakin pa ang coverage para mas marami pa tayong maibaba. Pangalawa, ang mahal ay iyong mga manufacturer, hindi iyong mga drug stores. Kung ibibigay nga naman sa kanila nang mahal, hindi nila maibebenta ng mura, lugi pa sila. Hindi tama iyon kaya ang dapat na gawin natin ay kasama ang mga manufacturers sa limit. Kasi retail lang ang may limitasyon. Dapat pati iyong manufacturers ay magkaroon ng price ceiling.

Q: Sabotahe ito sa batas?

Villar: May mga sumasabotahe nitong batas na ito kaya gusto nating malaman ang puno't dulo nito.

Q. May monopolyo?

 

Villar: Puwede ring may monopolyo rito na gusto nating makita. Kasi lumalabas kanina na merong kumpanya na parang sila halos, hindi lang 50%, ang balita ko halos siya na lahat ang distributor ng mga gamot. Gusto nating malaman iyon.

 

Q. You will ask the manufacturers to explain in the next hearing?

 

Villar: Oo. Gusto kong mailabas ang pangalan na iyon at maimbestigahan.

 

Q. Ipapatawag nyo ba ang lahat ng manufacturers?

 

Villar: Hindi naman lahat, iyong kanilang representatives lang. Masyadong madami kung ipapatawag natin lahat. Ipapatawag ko ang panig ng manufacturers para magpaliwanag dito.

 

Q. Kailangan din ba ng imbestigasyon kung bakit 22 lang ang naaprubahan na babaan?

 

Villar: Doon nga ako nagtataka sa implementing rules ang regulations, masyadong konti ang covered. Ang gusto ko ay damihan nila ang covered na gamot. Talagang kulang. Ang gusto ko palawakin pa nila. Mas madami pa dapat na ma-cover na mga gamot para mas maraming murang gamot.

 

Q. Sa palagay ninyo bakit hanggang doon lang?

 

Villar: Marami sigurong nag-lobby sa kanila nung ginawa ang IRR.

 

Q. Paano kaya palalawakin, ngayon nga hindi namomonitor?

 

Villar: Sisiguruhin ko na mamomonitor ito ngayon. Hindi ko na bibitawan ito. Nakita ko na na may problema rito. Hindi ko na bibitawan ito hanggang hindi matapos. Ang katapusan nito ay maaaring isang panukala para maamyendahan natin itong Cheaper Medicines Act.

 

Q. Sino ba ang dapat tumutok sa monitoring?

 

Villar: Dapat ang Department of Health, ayon sa batas, pero mukhang hindi nila natututukan kaya kailangan bantayan din natin sa Senado at babantayan naman natin.

 

Q. Sinasabi ninyo kanina na iyong pharmaceutical companies matataas ang presyo nila kaya hindi nakakayanan ng mga drug store ang presyo nila. Sila ang nagsa-suffer ngayon dahil pinapatawan sila ng parusa.

 

Villar: Kawawa naman ang mga drug stores na maliliit. Kung ibibigay nga naman sa kanila ng manufacturer na lagpas na sa ceiling iyong gamot, hindi na talaga nila maibebenta nang kikita pa sila. Ang epekto nito ay hindi na lang nila dinadala ang gamot na iyon kaya walang mabili iyong mga may sakit.

 

Q. Kailangan din ba magkaroon ng sanction ang DOH dahil hindi nila minomonitor ito?

 

Villar: Kami ay nakahandang magbigay ng sanction dito. Ito ay pwedeng lumawak bilang isang imbestigasyon kung kinakailangan para makita natin talaga kung ano ang ginagawa nila.

 

Q. Kasama sa hearing ngayon ang pagtatayo ng price regulatory board?

 

Villar: Kasama lahat iyan. Wala pa tayong konklusyon subalit gagawin natin ang inaakala nating tama basta ang objective natin ay maibaba ang presyo ng gamot para sa mahihirap.

 

Q. Sabi nyo kanina you are dismayed?

 

Villar: Disappointed ako sa mga impormasyon na nakita natin ngayon. Maliwanag na walang nagmomonitor ng Cheaper Medicines Act. Hindi nila binabantayan ito kung naiimplementa nang maayos. Napakahalaga nito kaya mahalaga na masiguro natin na naimplementa ang batas at kung kulang pa, palawakin pa natin ang coverage para maging mas mura ang medisina sa ating mga kababayan.

 

Q. Puwede ba nating sabihing nagiging inutil ang batas?

 

Villar: Malaki ang nawawala. Konti lamang ang epekto ng batas, sayang. Ito pa naman ang hinahanap ng ating mga kababayan dahil sa atin, ang mga mahihirap ay hindi naman talaga nakakabili na ng gamot.

 

Q. Maraming OFWs ang nagrereklamo sa pagsasara ng 12 consulates and embassies?

 

Villar: Dito sa mga konsulada at pagsasara nito, gusto nating rebyuhin ito. Magpapanukala ako na rebyuhin ito sapagkat gusto nating malaman kung saan-saang lugar magsasara at kung bakit. Kung ito ay para makatipid, siguraduhin natin na walang OFW doon. Kasi kung may mga OFW doon, lalong walang magbabantay sa kanila at walang titingin sa kanilang mga kapakanan. Basta maraming Filipino, dapat meron tayong embahada. (end)