Transcript


Transcript of interview with Sen. Manny Villar after the meeting of the Quality Affordable Medicine Oversight Committee

19 March 2012

Q. Pakiulit mo iyong sinabi ninyo na parang sinasabotahe ang pagpapatupad ng Cheaper Medicines law?

 

Villar: Lumalabas talaga na sinasabotahe itong implementasyon ng Cheaper Medicines Act. Maliwanag na hindi naimplementa nang maayos. Hindi ko malaman kung ito ay dahil sa Implementing Rules and Regulations, subalit ang kino-cover nito ay konti lamang. Talagang nararapat na paramihin pa natin iyong mga price ceilings para masiguro natin na bababa ang presyo ng mga gamot para talagang maging affordable sa ating mga kababayan. Titingnan din naming iyong ibang pamamaraan.

 

Q: Sino po ang responsible doon sa hindi sapat na implementation?


Villar: Maraming responsable. Nakikita ko halimbawa ang DOH na hindi masyadong napapatupad ito. Kanina nabanggit iyong National Kidney Center na nagbebenta rin ng gamot na mas mataas kaysa sa ceiling. Parang binabalewala itong batas na ito. Kailangan masiguro natin na hindi babalewalain ito ng mga departamento at sektor na dapat mag-implementa nito.

Q: May pharmaceutical companies ba na guilty?

Villar: Masyadong maaga na sabihin natin kung sino pero palagay ko may mga lumalabas sa ating pagrereview na may mga kompanya na nagba-violate nito.

Q. May na-mention kayo na dapat iyong medicine for cancer, i-provide for free ng estado? Doable po ba iyon?

 

Villar: Doable iyon. Ako ay nagpo-propose noon pa na dapat itong gamot sa cancer ay ibigay ng gobyerno nang libre. Kaya naman iyan. Hindi magiging madali, pero kaya iyan. Naniniwala akong kaya ng budget iyan at marami tayong pwedeng bawasan para mailagay diyan. Ang isang Filipino ay hindi dapat mamamatay, lalong-lalo na iyong may kanser nang hindi man lamang nagkakaroon ng pagkakataon na makakuha ng gamot. Kaya naniniwala ako na kapag cancer, dapat libre. Palagay ko kaya naman ng gobyerno iyan.

 

Q. Pinag-aaralan nyo rin na tanggalin ang VAT sa gamot?

 

Villar: Pino-propose ko rin na tanggalin ang VAT sa gamot. Hindi naman talaga dapat na patungan pa ng VAT ang gamot. Iyon naman ay talagang napakahalaga sa ating buhay, at hindi ko maintindihan kung bakit naisama iyan sa VAT. Ako ay nagpapanukala na tanggalin ang VAT dito sa medisina. Ngayon ay ipa-file ko na ang panukala na iyan, kumuha na rin ako ng counterpart sa Mababang Kapulungan, marami rin ang may gusto na mawala itong VAT. Nai-file na rin ni Cong. Mark Villars a House of Representatives and panukalang ito para maibaba o matanggal ang VAT dito sa gamot.

 

Q. Dapat mag-emanate iyon sa House dahil VAT?

 

Villar: Pareho din. (12 percent)

 

Q. Ano ang possible sanction ng DOH sa hindi nila pag-iimplementa nito?

 

Villar: Wala muna. Pangalawang hearing pa lamang at humingi naman ang DOH ng mas maraming oras. Gusto naming malaman ang puno't dulo nito. In fact, gusto ko ngang maimbita ang mga gumawa nitong IRR at tanungin sila kung ano ang basehan ng kanilang ginawang rules na parang konti lamang ang na-cover at kontiong medisina lamang ang nakoberan.

 

Q. Ano iyong apat na gamot na sinabi ninyong tumaas kanina?

 

Villar: Ponstan, Ventolin, Bactrim, Plendil. Norvasc lang ang bumaba. Pero binaggit rin kanina na kaya bumaba ito ay dahil natapos na ang patent protection at normal lang na bumaba iyon at walang kinalaman ang batas sa pagbaba ng partikular na gamot na iyon.

 

Q. Possible ban a nagkaroon ng lobbying noong ginagawa ng IRR?

 

Villar: Posibleng nagkaroon ng lobbying, iyon ang titingnan natin. Pero hindi ko inaakusahan ang sino man, ang sinasabi ko lang, possible.

 

Q. At iyong nag-lobby ay may pananagutan?

 

Villar: Ayoko munang gumawa ng konkusyon diyan. Ang sinasabi ko lang, to be fair with them, nais kong tanungin sila kung bakit ganoon ang ginawa nilang rules and regulations.

Villar: Meron pa kaming mga hearings. Maski na bakasyon ako ay maghi-hearing sa bagay na ito. Nasimulan ko na ito at tatapusin ko ito. Hindi ako titigil hangga't hindi nakakagawa ng rekomendasyon ang aking committee dito sa implementasyon ng batas na ito. Mahalaga na masiguro natin na bumaba ang presyo ng gamot. Ito ho ang objective, ang pangunahing layunin ng batas na ito at iyan ang dapat mangyari.

 

Q. Saan kukunin ang funding para sa libreng gamot sa cancer?

 

Villar: Iyan ay nasa sa pangulo. Subalit ako ay nananawagan na sana ay mailagay iyan sa programa. Kaya naman iyan. Napag-aralan ko na iyan noon. Hindi naman ganoon kalakihan ang magagastos diyan. Isa pa, pwedeng bumili in bulk ang PITC para mas mura ang babayaran ng ating gobyerno. Dapat ang mga kababayan natin ay libre ang gamot kapag may kanser.

 

Q. Kaya sa current budget?

 

Villar: Palagay ko, kapag gusto ay makakahanap ng paraan from the current budget. Sa ngayon naman kasi maliit pa naman ang ating deficit, kayang-kaya.

 

Q. Dapat ho bang rebisahin na iyong Oil Deregulation Law dahil sa matindi na ang epekto ngayon?

 

Villar: Talaga namang matagal ko nang ipinapanukala na dapat rebisahin na iyan, amyendahin na iyang Oil Deregulation Law dahil masyado na ang pagtataas ng presyo ng langis. Hindi ko naman sinasabi na automatically bababa ito dahil aamyendahan mo lang subalit hindi tama na inalisan natin ng ngipin ang ating Department of Energy dahil sa mga nangyayari ngayon. Iyong layunin nitong deregulation law ay maliwanag na hindi naman nangyari. Dahil diyan, nararapat na amyendahan ito at repasuhin natin.

 

Q. Pabor ba kayo sa temporary suspension ng 12% VAT on oil o kalahati lang nun ang dapat ipatupad?

 

Villar: Dapat kapag sumobra ang taas niyan ay suspendihin na natin. Tingnan muna natin. Kapag hindi maibaba dahil sa pagrerebyu ng Department of Energy, wala tayong choice kundi tanggalin iyan para bumaba nang konti.

 

Q. Ayaw makinig ng Malacanang…

 

Villar: Wala na tayong magagawa doon. Tayo naman ay nagkokomento lang. (end)