Transcript


Transcript of interview in DZRH with Mr. Joe Taruc

15 July 2011

Q. Mr. Senator bilang isang negosyante maari po bang malaman ang inyong pananaw kaugnay po ng pagbaba ng credit rating ng America at ang epekto nito sa global economy?

 

Villar: Mukhang nagpapanic ang daigdig ngayon at maraming businessman ang nagpapanic. Bagama't kagabi sa New York ay medyo nagkalmante naman ang stock exchange, nakabawi ng konti,hindi nangangahulugan ito na tapos na ang problema. Lumilitaw na ang problema ng America ay pangmatagalan kaya kailangang repasuhin ang ating mga policy o patakaran dito sa ating reserves. Ang ating reserves ay nasa dolyar kaya medyo tingnan-tingnan natin kung dapat na ilagay ito sa iba't-ibang pera. Pangalawa, dapat bantayan natin ang exchange rate. Ito ang isang bagay na nakakaapekto sa ating mga OFWs ng malaki. Sa ngayon tumataas naman ang dollar exchange rate, nagiging P42 plus, subalit ang pangmatagalang pananaw kung hindi makikialam ang BSP, ito ay bababa sa mga hanggang P40 dahilan sa humihina nga ang dolyar sa ngayon at sa darating na panahon.

 

Q: Yun ho ang nakababahala?


Villar: Dyan ako kinakabahan. Kaya dapat ang ating Bangko Sentral ay nakaalalay sa bagay na ito, sapagkat kawawa naman ang ating mga OFWs kapag iyan ay bumaba nang mabuti. Sa ngayon naman ay steady lamang at umaalalay naman ang ating BSP. Sa palagay ko naman kung maganda ang handling ng ating ekonomiya at kung gagastos ang ating gobyerno, dahilan sa hindi gumagastos ang ating gobyerno ngayon, medyo mabagal ang kanilang paggastos kaya ang ating ekonomiya ay bumababa.

Q: Actually, hindi lang mga OFWs ang talagang tatamaan nito kundi pati mga export earnings ng ating mga exporter.

Villar: Malaking bagay din yan, nagpapanic na din ang ating mga exporter, dahil diyan sa balita na humihina na ang dolyar. Kailangan din maghanda sila talaga dahil mukhang ang problema ng America ay malala at hindi makakayang lutasin ng unang buwan lamang. Marami nga ang nagsasabi sa kanila na hihintayin na lamang bumaba si President Obama bago magkaroon ng tunay na reporma sa America.

Q. Mr. Senator samantalahin na po namin ang pagkakataon sapagkat sa public hearing na isinagawa ng inyong komite sa Senado ay napag usapan ang malawak na bentahan ng tuko. Meron ho ba itong katotohanan?

 

Villar: Alam mo, lumalabas na meron. Nangyayari ngayon ay may mga nagkakalat ng mga balita na ang tuko daw ay nakagagamot ng cancer, ng HIV, pero wala pong ebidensya na ganyan. Nakausap namin ang mga eksperto wala silang nakikitang katibayan na ito nga ay nakakagamot ng cancer o HIV. Ito ang nagpapamahal sa tuko ngayon. Marami ang nagha-hunting ng tuko ngayon sa hangarin nilang kumita. Huwag po kayong maniniwala dyan. Bagamat sa Chinese medicine ay ginagamit yang tuko subalit sa mga  magagaan na sakit lamang, hindi dito sa ikinakalat nila na ito ay nakakagamot ng cancer at HIV.

 

Q. Yun pong balita sa Malaysia at Indonesia na naubusan na sila ng tuko kaya lumipat na dito sa Pilipinas, ano po ang katotohanan nito sa pahayag ng  mga awtoridad?

 

Villar: Hindi ko naman alam kung nauubusan.  Ang tuko naman ay nakakatulong sa ating pagsugpo ng mga lamok, sa dengue malaking bagay din yan. Kaya yung malakihan na paghanap ng tuko ay baka maging endangered species ang mga yan, kaya nabahala kami. Posibleng totoo yan. Hindi ako magugulat kung yan ay nagsimula sa Indonesia. Talagang may mga nagsasabi na nakakagamot ang mga yan.  Pero kinausap namin ang mga eksperto, wala talagang katibayan na ito ay nakakagamot ng ganito kalulubha na karamdaman.