Transcript


Transcript of interview with Sen. Manny Villar, September 22, 2011 (Cely Bueno & Edwin Eusebio, DWIZ)

22 September 2011

Q. Mukhang Wednesday Group po ang author ng resolution na naglalayong madefer itong nakaambang fare hike sa MRT/LRT at nakaambang pagpapataw ng VAT sa toll.

 

Villar: Kami ang nagsimula subalit iyan ay sinuportahan ng may 13 senador. Halos lahat naman ay sumusuporta diyan ngunit may mangilan-ngilan din na hindi. Mayorya na ng Senado ang pumirma sa resolusyon. Ito ay bunga ng aking imbestigasyon na ginagawa sa Committee on Trade and Industry at Economic Affairs kung saan tinitingnan namin itong fare hike at sa pagsusuri na aking ginawa, hindi ako naniniwala na dapat ay magtaas ngayon ang fare. Sa aking paniniwala, hindi pa napapanahon at ang dapat sana na una munang gawin ng mga nag-ooperate ng LRT ay magbigay muna ng pamamaraan para magtipid at makababa ng cost ng kanilang operasyon. Alam mo halos lahat naman ng pribadong kumpanya ganyan talaga kapag medyo nalulugi, ang unang-unang ginagawa ay naglalagay ng mga hakbangin ng pagtitipid para tumaas ang productivity at bumaba ang gastos. Wala akong naririnig na ganyan mula sa LRT at antimano ay gusto nilang magtaas agad at parang gustong bawiin ang kanilang pagkalugi sa tao agad. Naniniwala ako na dapat ipakita muna nila kung paano nila babawasan ang kanilang mga gastos.

 

Q: Ano po ang magandang halimbawa ng pagbabawas ng gastos? Magbabawas ng oras ng pagbibiyahe?


Villar: Hindi naman. Alam mo ang kumpanya kapag iyan ang napapalaban, halimbawa nag-ooperate ka ng isang factory ay talagang nirereview mo lahat ng pagtitipid sa kuryente, maintenance. Iyung operating expense ay medyo mataas, iyon ang nareview namin at ang unang-unang tanong ko sa kanila ay ano ba ang programa ninyo para mapababa ang maintenance na iyan at ano ang gagawin ninyo para bumaba ang inyong operating expense. Wala naman silang ibinibigay. Parang ang gusto nila ay antimano magtaas.

Q: Hanggang ngayon ay dyina-justify ng Senado iyong planong fare hike dahil ayon sa kanila, subsidized po ito at sabi nila hindi naman tatanggalin ang subsidy, babawasan lang po nila at kung magkano ang babawasin, doon daw kekwentahin kung magkano ang dapat idagdag sa pasahe.

Villar: Sa akin, ipakita muna nila na meron silang hakbangin para mapababa ang operasyon ng MRT/LRT sapagkat hindi pa sila nagkakaroon ng ganyang programa. Sa tatlong hearing, hindi pa sila nagpiprisinta ng kanilang strategy kung paano bababaan ang operating cost nila. At ito ang nakikita kong dapat unang gawin bago ipasa sa tao iyan. Pangalawa, hindi nararapat dahil ngayon ay sabay-sabay na tumataas ang gasoline, kuryente, tubig, at hindi naman dapat sabayan iyan ng increases sa MRT. Ang paniniwala ko dito sa ating unang hearing, nagmamadli silang taasan ito para maibigay sa pribadong sector. Hindi naman dapat iyan. Pangatlo, kahit saan naman talaga sa buong mundo ay sina-subsidize ang LRT. Ito ay hindi lamang unusual sa Pilipinas at hindi nakakagulat iyan. Kapag ikaw ay naglagay ng mass rail transport, normally diyan ay nakahanda ka nai-subsidize para sa ating mga mamamayan para sa ikagiginhawa nila at para pantulong sa ating ekonomiya. Hindi namin sinasabing huwag nang magtaas, ang hinihingi ng resolution ay i-defer o ipagpaliban ang pagpapataas dahil sabay-sabay at masyadong masasaktan naman ang ating mga kababayan.

Q. Sa tingin nyo ho ba, sa halip na bawasan ang subsidy ay dagdagan pa considering na mukha namang sinasabi na maraming pondo na halos hindi naman daw ginagamit sa mga infra projects?

 

Villar: Sa ngayon sapat na iyang subsidy. Ako ay naniniwala na hindi pa efficient ang operasyon ng LRT/MRT. Bilang isang galing sa pribadong sector, at ako naman ay nag-manage ng mga pribadong kumpanya, iyan ay tradisyon naman. Kapag ang pribadong kumpanya ay medyo nalulugi, gumagawa ng mga paraan iyan para makapagtipid at hindi automatically na itinataas ang presyo. Halimbawa ikaw ay nagtitinda ng kotse, hindi dahil nalulugi ka ay tataasan mo ang presyo ng kotse mo. Baka wala nang bumili niyan kung masyadong mahal. Kaya ang ginagawa mo muna, makapagtipid para hindi ka na kinakailangang magtaas ng presyo at hindi kayo malugi. Iyan ang dapat na maging patakaran ng anumang government corporation. Iyan ang dapat nating gawin para mahusay ang operasyon ng ating gobyerno.

 

Q. Kung sa tingin ninyo ay i-defer lang dahil hindi ito ang tamang timing, naniniwala rin kayo na sa takdang panahon, may pangangailangan din na iadjust ang pamasahe sa LRT/MRT?

 

Villar: Kapag sila ay nabigo na gawing efficient iyan, maari. Subalit hindi natin sinasabi na dapat itaas agad automatically sa mga darating na panahon. Iyong LRT 1 hindi naman nalulugi kaya nga lamang kung pangkalahatan ang titingnan mo, kasama ang 2 and 3, parang lugi. Subalit kapag inihiwalay mo ang operation ng LRT 1, hindi naman ganun kalaki ang lugi, halos wala nga.

 

Q. Sabi ninyo nga 13 senators na ang sumusuporta sa inyong resolution, ano po ang magagawa nito kung ma-approve ang resolution? Ito po ba ay makakaimpluwensya sa Palasyo para pigilan ang kanilang pinaplano?

 

Villar: Ito at sense of the Senate. Ang Senado paminsan-minsan ay nagpaparamdam ng kanilang sentiment, at sinasabi lang namin na ito ang sentiment ng mga senador ngayon. Ipinaparating namin hindi lamang sa Executive Department o sa Malacanang pati na rin sa lahat ng involved na ito ang sentiment ng Senado.

 

Q. Ano po ang masasabi ninyo dahil isang Liberal party senator ang nagpatutsada na madali naman daw pong magpapogi?

 

Villar: Palagay ko kapag ininterview mo ang mga nagbabayad sa LRT, makikita mo na napakalaking bagay niyan. Doon sa mga halos kapos na kapos na, ang karagdagang taas sa MRT ay masakit na rin iyan. Ang pagmamahal sa bayan naman at pagmamalasakit sa ating mga kababayan ay pagpapapogi, wika nga. Iyan naman ay aming tungkulin na gumawa ng mga hakbangin na makakatulong sa ating mga mamamayan.

 

Q. Pero ngayon pa lang po merong balita na nakalagay dito, 'Malacanang junks Senate plea to defer MRT/LRT fare hike.' Nakalagay po dito, it's just a matter of explaining to the public and to the senators kung bakit daw po kailangan iyong pagtataas.

 

Villar: Binigyan na po namin sila ng pagkakataong maipaliwanag sa aking komite, tatlong beses namin silang inimbita at wala naman kaming nakitang magandang paliwanag doon para itaas iyan.

 

Q. Meron po kayong resolusyon (PSR No. 597) na imbestigahan ang kaso ng mga nagsu-suicide sa ating bansa? Mukhang gusto ninyong magkaroon ng programa ang gobyerno para ma-prevent ang pagtaas ng bilang ng mga nagpapakamatay?

 

Villar: Alam mo ito ay nagbubunga madalas sa depression. Maraming tao ang hindi nakakaalam nito na ito ay isang karamdaman na nagagamot naman. Kaya sa aking palagay, meron tayo dapat na depression centers o mental depression centers ngayon at ipaalam natin sa ating mga mamamayan na kung talagang down na down sila ay ito po ay nagagamot ngayon. Hindi po kailangan na tayo ay mag-suicide o makipagbarilan. Mrami rito kapag uminom ka ng gamot ay nawawala naman. Marami sa ating mga kababayan lalo na sa mga mahihirap, hindi nila nalalaman na ito ay nagagamot at akala nila marami lang silang problema at wala na silang kinabukasan.

 

Q. At sana Mr. Senator, sana maalis na ang connotation na kapag sinabing mental hospital, sira ulo ang ipinapasok doon. Hindi naman ganoon diba?

 

Villar: Hindi naman. Sa ngayon po ay normal iyan at natutuklasan ngayon na iyan ay sakit na magagamot. Hindi iyan kamukha noong araw na kinakatakutan na ipasok sila sa mental hospital. Marami diyan ay nireresetahan lang ng doctor na pangkaraniwan na para kang may lagnat.

 

Q. Kaya nga binago ang pangalan, Psychiatric hospital.

 

Villar: Ang maganda diyan ay baguhin natin ang pangalan. Gawin natin na parang normal lang para hindi naman katakutan. Huwag nating gawing psychiatric o mental. May mga paraan para maiayos ang tawag diyan.